RevGov : Pangulong Andres Bonifacio - Maypagasa
-
( Pangulong Andres Bonifacio )
Magandang araw ho sa inyong lahat mga kapatid!
Ang espiritu ng kalayaan at pagkakaisa nawa ang suma ating lahat.
Atin pong tatalakayin at bubuodin sa ngayon ay kung pangulo nga ba o hindi si Bonifacio -- ngunit bago ho tayo pumasok sa paksaing ito ay atin munang alamin ang halaga o papel ni Bonifacio at nang Katipunan sa kasaysayan.
Marapatin ho dapat nating malaman na isang organisadong samahan ang katipunan mayroon silang istrakturang pamamahala sa pamumuno o pangunguna ni Bonifacio, naghahalal sila sa pamamagitan ng botohan, ang bawa't isay may pantay na karapatan na nagpapatunay na may demokrasyang pilit na pinatakbo sa gitna ng panganib na dulot ng kolonyalismo.
Sa panahon na nabunyag ang katipunan noong Agosto 19, 1896 dahil sa pangungumpisal ni Teodoro Patino sa kura paroko ng Tondo na si Mariano Gil na dahilan upang magkaroon ng pagsunog sa bahay, pagdakip at pagpatay sa mga hinihinalaang mga katipon. At dahil nga sa pangyayaring yoon ay napilitan ang mga katipunero na magtago, at makalipas nga ng ilang araw ay magkikita kita sila sa bahay ni Tandang Sora sa Balintawak noong Agosto 23, 1896 na kung saan doon nga magaganap ang punitan ng sedula bilang simbolo na wala nang urungan at uumpisahan na ang himagsikan.
Syempre bago ang pag uumpisa ng himagsikan, nakapaloob at kinakailangan dito yung masusing pagpaplano at pagkakaroon ng kasunduan upang makamit ang napagkasunduang layunin nang sa gayoy maging matagumpay ang rebolusyon.
Ngunit ano ang plano na iyon?
Tandaan ho natin na upang mabawi nila Bonifacio ang Pilipinas sa tunay nitong nagmamay ari, kina kailangan nilang sakupin ang pinaka kabisera at yun nga yung Maynila ( Intramuros ), nagkaroon ng pagpa plano dyan na kung saan may aatake mula sa norte, mula sa hilagaan, at mula sa silanganan at meron pang limandaan o 500 sa loob ng Intramuros.
Ngunit paano ba nagsimula ang rebolusyon?
Mahabang usapin ito ngunit dito nga papasok ang koneksyon ni Bonifacio kay Rizal at sa tatlong paring martir na sila Padre Gomez, Burgos at Zamora.
Sa pagsapit ng taong 1800's lilitaw ang pinakamahalagang bahagi't parte ng ating kasaysayan dahil dito sa panahong ito isisilang ang mga ama ng bayan -- sila Rizal, Del Pilar, Juan Luna atbp. Sa panahong ito rin kakakitaan ang epekto ng pagkawatak watak dahil sa heyograpikong kalagayan ng Pilipinas NGUNIT gayunpaman dito naman sa mga panahong ito mararamdaman ang malaking pag unlad ng bansa dahil sa pakikipag kalakalan, at dahil sa pagunlad ng bansa -- hindi lahat ngunit may mga ilang piling pamilya mula Luzon, Visayas at ilang bahagi ng Mindanao na aangat sa buhay, at sa kanilang pagyaman ang kanilang mga anak ay pinagaaral o pagaaralin nila sa Maynila at pagkatapos ay sa Europa.
Nandyan parin ang heograpikong kalagayang naghahati hati sa atin ngunit pagpunta nila sa Maynila para mag aral, dito na mag uumpisang mag tahi tahi o kone konekta ang sarili nating identidad, magtatagpo ang mga ama ng bayan -- magkakaroon sila ng realization na hindi na realize ng mga Pilipino noon. Papasok sa isip nila -- na sila na nakatira sa Luzon, Visayas at Mindanao na lahat sila ay hindi mag kakaiba-iba sa isa't isa, meron silang pagkapareparehas, parehas ang tangkad, parehas ang tangos ng ilong, pare parehas ang kulay ng balat atbp.
At dahil na ri realize na nila na meron silang common identity o pagkaka parepareho ang kailangan nalang nilang gawin ay ipahayag at ikalat ito sa mas nakararami.
Tandaan na ang mga kastila ay naging epektibo sa kanilang pananakop hindi dahil sa kani kanilang mga baril o kanyon at lalong hindi dahil sa bilang ng kanilang mga sundalo, sila'y naging epektibo sa pananakop dahil sa ipinasok sating IDEYA, ang ideya nayun ay ang katolisismo at ang katolisismo ay sinusuportahan ng kolonyalismo at kung hindi ka sumunod sa Espana ay hindi ka sumusunod sa Diyos kaya't nawalan tayo ng identidad at kumpyansa sa sarili dahil iningungudngod o ipinapamukha sa atin na lahat ng kaunlarang natatamasa natin ay utang na loob natin sa kanila.
At ang nangyari nga itong mga Propagandista na ang tawag ay mga Ilustrado dahil sila'y nakapag aral sa Europa, sila yung mga may nais magtaguyod ng 'Ilustracion' isang pilosopiyang pranses na nagsasabing dapat wala nang hari, dahil ang utos raw ng hari ay galing sa Diyos -- 'eh di naman namen nakikita ang Diyos?' kung kaya't dapat nating makita na pantay pantay ang tao, may sarili syang karapatan at dapat wala nang kolonyanisador.
Ang mangyayari ang ilustracion na pilosopiya ikakabit ito ng mga Pilipino sa aktwal nilang karanasan at dito nga mahalaga ang pagiging martir ng Gomburza, mga inosente na hinatulan ng kamatayan ng mga Kastila ngunit hindi pa sisiklab ang rebolusyon sa panahong ito dahil iisipin ng mga Pilipino na baka nagkakamali lamang si Izquierdo at hindi ang sistema ang mali, kaya kung sakaling malaman ng Espanya ang maling gawain ng mga opisyal nila dito sa Pilipinas ay baka magbago ang sitwasyon, -- na nararanasan parin natin hanggang ngayon na kung saan umaasa lagi tayo sa susunod na uupo dahil inaasahan natin na kung ang dating nakaupo ay mapapalitan ng bago ay may mangyayaring pagbabago.
Ngayon kung may nangyayari sa hanay ng mga Ilustrado ay may nangyayari rin sa mga Pilipinong naiwan sa Pilipinas, at kung nahihirapan ang mga Ilustrado na sila Rizal, Jaena, Del Pilar, Ponce sa Europa ay mas nahihirapan ang mga Pilipino na nandito sa Pilipinas dahil sila ang mas nakararanas ng araw araw na kalupitan ng mga Kastila, -- hindi nila malabas ang kani kanilang mga saloobin, kani kanilang mga paghihirap na dinaranas kung kaya't dito napakahalaga at napaka importante ni Andres Bonifacio dahil sya ang magiging tulay upang mapakinggan ang boses ng mga ito.
Tandaan po natin na si Andres Bonifacio ay hindi galing sa isang napakahirap na pamilya katulad sa kinagisnan nating itinuturo sa paaralan hindi rin sya bobo katulad nang nalalaman ng karamihan dahil, sya ay nakakapagsulat, nakakapagbasa kung kaya't sa madaling salita si Bonifacio ay may edukasyon hindi man sya kasing edukado nila Rizal sya ay edukado rin, ngunit hindi na napagpatuloy dahil namatay ang kanyang magulang sa kanyang kabataan. Siya ay nakakapagsulat at nakakapagsalita ng Espanol -- Sila Rizal ay nagsasalita at gumagamit ng wikang Espanol dahil ang nais nilang paabutan ng mensahe ay yung mga kastila, bagaman nakaka intindi si Bonifacio ng wikang kastila mas pinili nya na wikang pilipino ang kanyang gamitin dahil sya ay nakikipag usap at nakikipagtalas tasan sa kapwa nya Pilipino.
Ang konseptong nalalaman nila Rizal ay konseptong kanluranin na napagaralan nila sa Europa, halimbawa kung ang paguusapan nila ay dapat na maging edukado ang mga tao titignan nila yung konsepto ng edukasyon sa konsepto o pamamaraan ng kanluranin kung kaya't ang Ilustracion / Enlightenment na ideya na gusto nilang ibigay ay maaaring hindi maintindihan ng mga mahihirap na Pilipino dahil sa kadahilanang Espanol talaga ang kinakausap nila. Dito nga mahalaga si Bonifacio dahil ipapaliwanag nya ito sa mga Pilipino hindi sa konsepto nang mga dayuhan na Nacion kundi sa konsepto ng sarili nating kamalayan bilang Bayan.
Siya ang magbibigay boses, mga saloobin o nararamdaman ng ating mga kababayan, may sarili syang pakahulugan mula sa sariling kamalayan sa mga nababasa't naiintindihan nya mula sa mga isinusulat nila Rizal, at yung Ilustracion yung reason o enlightenment ng kanluranin may sariling pakahulugan ang katipunan o si Bonifacio dyan na nagmula sa konseptong atin at ang pakahulugan nila ay 'katwiran' at ang katwiran ay hindi lang basta rason kundi kabutihan na matatamo mo lamang kung ikaw ay may mabuting kalooban.
Kaya naman napakaganda ng konsepto ni Bonifacio, dahil ang konsepto ng pagkabansa ng mga ilustrado sa Europa ay konseptong pulitikal na Nacion na kelangan upang ikay maging malaya ay dapat na nasusunod lahat ng karapatan at pangangailangan mo na naaayon sa konstitusyon, ngunit gayunpaman may konsepto narin si Bonifacio ng pagkabansa ito ay ang Inang Bayan na galing mismo sa sariling atin, sa sarili nating kamulatan, sa sarili nating paraan bilang isang konsepto ng pagkabansa na inugat pa at binuhay ni Bonifacio mula sa mga sinaunang kultura ng mga Pilipino at hindi mula sa kanluraning pagkakaunawa, gayundin ang konsepto ng sanduguan na kinuha nyarin mula sa sinaunang bayan na kapag nagsanduguan ay tayo'y magiging mga magkakapatid tayo'y magiging anak ng bayan at meron tayong iisang ina -- ang Inang bayan at walang kalayaan kung walang kaginhawaan sa konsepto nila Bonifacio malaya ka kung maginhawa ka, at sa sikolohiyang Pilipino hindi ka giginhawa hanggat walang mabuting kalooban kaya't malinaw na ang pinaka konsepto ng pagkabansa ni Bonifacio ay "walang tunay na kalayaan kung walang kaginhawaan at walang kaginhawaan hangga't hindi tayo nagpapakitaan ng mabuting kalooban."
Yan ang dahilan kung bakit noong susugod sila sa Maynila buong buo at kumbinsido ang kanilang kalooban na gawin ang nararapat gawin dahil ang ginagawa nila ay naaayon sa landas ng katwiran, nagiisip na sila ng pagkapanalo nila sa mga panahong yoon ngunit hindi na natin tatalakayin kung baket hindi naging matagumpay ang paglusob sa Maynila, ngunit ang pinaka konteksto na dapat nating makita ay kung ano ang naging epekto o ipinapahiwatig nito sa atin gayundin sa punto de bista ng mga nagmamahal sa bayan at hindi mo maaaring husgahan si Bonifacio nang dahil lamang sa labanan panalo man o hindi dahil ang labanan ay nadidikta lamang sa pamamagitan ng armas, stratehiya at chansa kung kaya't kikilalanin natin sya hindi sa mga labanan dahil hindi dapat natin pinagtutuunan ang maliliit na detalya na ganyan bagkus doon sa mga naging pangkalahatang ambag nya sa bayan na naging dahilan upang maging karapat dapat sila ni Dr. Jose Rizal na magkaroon ng sariling araw ng pagpupunyagi't pagkilala.
Yan ang kabuuang pagbubuod ng kahalagahan ni Bonifacio at ng Katipunan, ngayon naman ay dadako naman tayo sa pinaka paksa ng ating talaan at paguusapan natin kung pangulo nga ba si Andres Bonifacio o hindi? Revgov ba ang itinatag nya? Atin ho yang iisa isahin.
Sa kasaysayan ng Pilipinas ayon sa artikulo na inilabas ng Rappler na matatagpuan rito ( Rappler Revgov ) dalawang beses lang raw nagkaroon ng rebolusyonaryong pamahalaan ang Pilipinas una ay ang Revgov ni Aguinaldo mula Tejeros Convention hanggang sa pagdating ng mga Amerikano ang pangalawa naman ay ang Revgov ni Cory Aquino, na kung titignan natin ay mali dahil Rebolusyonaryong Pamahalaan rin itong itinatag ni Bonifacio, sa matagal na panahon hindi kinikilala ng mga historyador na Pangulo itong si Bonifacio dahil ang kanilang sinasabi na si Bonifacio ay Pangulo -- hindi ng isang Gobyerno kundi ng isang samahan o organisasyon lamang at hindi ito samahang sasaklaw bilang isang pambansang pamahalaan dahil hindi naman ito umakto bilang isang gobyerno.
Ngayon, hihimay himayin natin ang detalye nang sa gayoy mapag dugtong dugtong at masagot natin ang mga bumabagabag na katanungan sa ating isipan. Sa pagkakaalam nating lahat, June 12, 1898 idineklara ang ating kasarinlan sa pamamahala ni Aguinaldo, yoon ang araw na napagkasunduang petsa ng deklarasyon ngunit kung titignan natin nang masinsinan ang kila Bonifacio yoong Sigaw ng Pugadlawin o Cry Of Balintawak ay nasa paraan ng pag dedeklara rin at yung sigaw o cry pa nga nayon yoon lang yung pinaka pormal na pag dedeklara pero yung pinaka esensya na sila ay nagbuo ng isang kilusan na ang layunin ay humiwalay sa Espanya, mismong ito ay kasama na sa kilusang mapagpalaya at syempre ang pinaka importanteng kaakibat ng paglaya o ng independencia ay ang pagkakaroon mo ng sarili mong pamahalaan.
July 7, 1892 ang alam nating pagkatatag ng katipunan pagkarakarakang mahuli ni Dr. Rizal at ipatapon sa Dapitan, ngunit may natagpuan na dokumento sa Archivo General Militar De Madrid o AGMM Documents na naisulat noong January 1892 na ang titulo ay Casaysayan kung saan isinasaysay ang kadahilanan ng paghiwalay ng kapuluan sa Espana, nakasulat roon sa Manga Daquilang Cautosan ang ganto:
"Isinasaysay na ang manga Capuluang ito ay jumijiualay sa Yspana mag bujat sa arao na ito at ualang quiniquilala at quiquilanlin pang Puno at macapangyayare cung di itong Cataastaasang Katipunan."
Malinaw na noong pinaplano pa ang mga dokumento at hindi pa itinatatag ang katipunan malinaw na ang layunin na balak nila ay pagtatatag ng rebolusyonaryong pamahalaan, ang Katipunan ang mamamahala sa bubuuing pamahalaan at sa magiging bansa. Malinaw rin na isa itong porma ng pamahalaan, sila ay naghahalal, may mga piskal, nag uutos labanan, nagkakasal, nag bibigay ng katunayan ng pagsilang atbpa.
Tandaan natin na ipinakilala ni Bonifacio ang kanyang sarili bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, bilang patunay na sya parin ang nasa kapangyarihan dulot nga ng pag nanulipika ng halalan sa Tejeros na pinagtibay ng Acta De Tejeros at Acta De Naic, ngunit atin munang alamin ano nga ba ang Haring Bayan? Pakinggan natin ang mga anti- Pangulo si Bonifacio, sa pakahulugan nila ang Haring Bayan ay tumutukoy sa Hari / Monarkiya si Bonifacio daw ay "Haring Bayan", ayonnaman sa mga naniniwalang Pangulo si Bonifacio, ang kahulugan ng haring bayan ay walang ibang naghahari kundi ang bayan -- ngunit ano nga ba ang totoo rito? Tanungin natin ang kasaysayanat sa pakahulugan mismo nang mga kasama ni Aguinaldo. Ayon kay Mabini sa kanyang Organic Decree na nagdedeklara ng konstitusyon ng Malolos isinaad nya rito ang terminong Haring Bayan imbes na Republika, tandaan ho natin na ang Haring Bayan ay salitang gawa ng Katipunan upang may maitumbas sa salitang republika. Meron pabang mas malinaw na nagpapatunay na ang haring bayan ay republika? Meron! Sa Secretary ni Aguinaldo na si Carlos P. Ronquillo sa kanyang memoir na "Ilang talata tungkol sa paghihimagsik taong 1896-1897" noong nasa biak na bato sila dahil doon tinatag ang unang republika, At ito ang binanggit "Dito sa biak-na-bato naitatag ang ganap na Haring Bayang Katagalugan" bakit hindi nya ginamit ang salitang Republika ng Pilipinas? Ginamit nya Haring Bayang Katagalugan dahil alam nya na ito ang pantumbas at kasing kahulugan ng Republika.
Ang tanong, umakto ba bilang gobyerno ang katipunan?
May legalidad at kinilala ba sya?
USAPIN NG PAGKILALA
Dapat ho nating maunawaan na sa panahon ng digmaan, o panahon ng rebolusyon dapat po nating maisip na mahirap sa ganoong sitwasyon magkaroon ng kontrol sa iyong teritoryo, halimbawa noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig, dalawang gobyerno ang nag eexist sa Pilipinas -- nandito ang Gobyerno ni Laurel sa pamamahala ng mga Hapones, nasaan ang Commonwealth government natin? hindi ba't nasa Estados Unidos? Ibig sabihin ba nun illegitimate yung gobyerno ni Quezon dahil wala syang kapangyarihan sa kanyang teritoryo? mali, maling interpretasyon.
USAPIN NG LEGALIDAD
Pangalawang scenario, si Arturo Tolentino at Cory Aquino pagkatapos mapatalsik si Pangulong Marcos, naging Pangulo si Cory Aquino through the power of Revolutionary Government dahil hindi nya pwedeng tanggapin yung umiiral na konstitusyon sa panahong iyon dahil ayon sa konstitusyong iyon hindi si Cory Aquino ang karapat dapat na maging kahalili ni Marcos kung hindi si Arturo Tolentino na bise presidente. Parehas silang nanumpa, parehas hindi kinila ang otoridad ng bawat isa.
Ngayon ang tanong.
Kinilala ba ng gobyerno ni Laurel ang Gobyerno ni Quezon? Hindi naman.
Kinilala ba ni Tolentino ang gobyerno ni Aquino? Hindi naman.
Ganon rin naman ang pagkapangulo ni Bonifacio, hindi natin sya titignan sa usapin ng legalidad at pagkilala, titignan natin ang kanyang pagkapangulo sa punto de bista ng kasaysayan, malinaw na sa simula ay samahan lang ang katipunan ngunit noong mga panahong napagkasunduan nila ang pag uumpisa ng "rebolusyon" that itself yung dating organisasyon ay mabubuo bilang isang "Rebolusyonaryong" Pamahalaan, sa uulitin ko hindi mo maaaring gamitin doon sa rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio yung usapin nang pag kilala ng mga aktor, pagkilala ng Espana, at higit sa lahat pagkilala ng gobyerno ni Aguinaldo, hindi ito usapin ng recognition gayundin naman sa hindi ito usapin ng legalidad. Ito ay usapin at pagkilala ayon sa dikta at punto de bista ng kasaysayan.
Ngayon ang pinaka importanteng tanong.
May epekto ba ito sa kasalukuyan?
may mangyayari ba kung sakaling ma recognize na pangulo si Andres Bonifacio?
Meron! dahil ito ay pagsasatama ng kasaysayan, ito ang tutulong satin para maitama ang kasalukuyan. Ang bansang itinatama ang kasaysayan ay isang bansang nag nanais din naman ng katotohanan
Maligayang araw po sa inyong lahat!
Pwede po bang malaman kung sino po ang gumawa nito? Salamat po.
ReplyDeleteAko po ang nagsulat galing ho sa pagbubuod ng aking natutuhan at napakinggan kila Prof.Xiao Chua at Van Ybiernas at ilang historyador na naniniwalang Pangulo si Pangulong Andres Bonifacio. Maraming salamat po sa inyong komento!
Delete