Haring Bayan : Republika o Monarkiya?


April 15, 1897
( Pagtatalaga ni Bonifacio kay Emilio Jacinto bilang Pang-ulong hukbo ng dakong hilagaan )

Maraming salamat ho sa pagbabasa ng nakaraang artikulong inilimbag ko sa blog na ito, kung saan ipinapaliwanag roon kung baket si Bonifacio ay Pangulo ipinaliwanag natin kung bakit hindi kelangan sa mata ng usaping legalidad at pagkilala natin titignan ang pagka pangulo nya bagkus titignan natin ito sa mata at punto de bista ng kasaysayan, gayundin naman kung bakit ang Katipunan magsimula Agosto 24, 1896 ay naging isang ganap na rebolusyonaryong pamahalaan, yoon nga ay sa kadahilanang naisakatuparan ang pagkakaroon ng malinaw na layunin na paghiwalay sa Espana -- may sarili itong istrakturang pamamahala at si Pangulong Andres Bonifacio ang Pangulo nito.

Nababalot ng kontrobersya ang pagka Pangulo ni Bonifacio dahil sa hindi tamang pagkaunawa at interpretasyon ng pagkilala nya sa kanyang sarili na nakasulat sa ilang mga dokumento, dahil ayon sa mga dokumento na ito ipinapalagay o ipinakikilala nya ang sarili nya bilang

"Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan" 

Nagkaroon ng dalawang interpretasyon:
1. Si Bonifacio raw ay nagpapakilala bilang Hari ng Bayan
2. Ang Hari na tinutukoy ay walang iba kung hindi ang Bayan.

Atin po itong alamin, sa pananaw at pagpapaliwanag ng mga taong naniniwala sa unang interpretasyon.

- Si Bonifacio raw ay nagpakilalang Hari ayon sa dokumentong nakasulat at pinirmahan sa Acta De Tejeros na kung saan pinapawalang bisa ang halalang naganap gayundin sa dokumentong pagtatalaga kay Heneral Emilio Jacinto bilang pangulong hukbo ng dakong hilagaan at ang Manifesto ni Bonifacio sa Mararahas na manga Anak ng Bayan na kung saan nasasaad ang salitang ito. "Mabuhay! Mabuhay! ang Haring Bayang Katagalugan!"

Ang Haring bayan ba ay tumutukoy sa tao?
Sa pagsipi ni Santiago Alvarez sa pakahulugan ng Haring Bayan na ayon mismo kay Bonifacio ay ganto :

“…na mula sa Ktt. Pamunuan ng Katipunan, hanggan sa kababa-babaan, ay nagkakaisang gumagalang sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay; namumuhunan ng dugo at buhay laban sa "Hari" -- Sino ang pinamumuhunan o inaalayan ng dugo at buhay at ano ang pakahulugan sa Hari na tinutukoy? ipagpatuloy natin ..

"upang makapagtatag ng sarili at malayang Pamahalaan, na sa makatwid, ay mamahala ang Bayan sa Bayan, at hindi ang isa o dalawang tao lamang.”  

Kung ikaw ay taong may sapat na lohika upang ipaliwanag ang ang mga bagay na ito, ay malinaw --- hindi Monarkiya ang Haring Bayan ni Bonifacio dahil naisusulat na hindi isa o dalawang tao lamang ang mamamahala, sino ang mamahala? "MAMAMAHALA ANG BAYAN SA BAYAN" Kung kaya't malinaw na hindi monarkiya ang nais ni Pangulong Bonifacio.

Ngayon ang argument0, "Magdiwang yan si Santiago Alvarez kaya asahan mong may bias sya" , kung gayon tayo ho'y bumatay sa mga kapanalig ni Aguinaldo. Sa sulat kamay ni Apolinario Mabini sa isinulat nyang Organic Act na nagdedeklara at kumikilala sa Republika ng Malolos sa isang borador ng Reglamento de la Constitucion del Gobierno, Hunyo 23 1898 ang nasusulat ay ganto:

“Ang Atasan Tigalagda (Gobierno Dictatorial) buhat ng̃ayon kun turan ay Atasan panghihimagsik (Gobierno Revolucionario) na ang tunay na nais ay ang pakikidigma ng̃ upang matiwalag itong Filipinas hanggang sa mg̃a ibang Kaharian sampo ng̃ España ay kanilang kilalanin ang pagkahiwalay at ihanda sa bayan ang bágay na kakailang̃anin ng upang matatag ang tunay na Haring bayan (Republica).”

Samakatwid ay malinaw na ang Haring bayan ay salitang pantumbas sa salitang republika, tandaan po natin na ang Haring Bayan ay salitang gawa ng Katipunan gayundin naman na may sariling pakahulugan ang Katipunan sa katwiran, gayundin naman na may sarili itong pakahulugan ng Bansa na inuugat at ipinapaliwanag hindi sa Kanluraning kamalayan kundi sa sarili nating kamulatan.

Ipinakikilala ni Bonifacio ang kanyang sarili bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, kung pagbibigyan ng pansin ang titulo kung ipagpapalagay natin na Hari nga si Bonifacio ay ganto ang magiging pakahulugan -- Pangulo ng Hari? ng Bayang Katagalugan? Pangulo na Hari pa? wala akong nakikitang saysay sa paliwanag na hari ito. Sa pagkilala nya bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan ito ba ay Pangulo ng Republika ng Katagalugan? ating tanungin ..

Ang isang nagpapatunay na ang Haring Bayan ay Republika ito ay ayon sa memoir ng sekretarya ni Aguinaldo na si Carlos P. Ronquillo sa Ilang talata ng tungkol sa paghihimagsik nang 1896-1897 noong sila'y nasa Biak-na-bato, ay naisasaad ang ganto: 

“Dito rin [Biak-na-Bato], nang kailangan na ng panahon[,] uling pinag-ayos ang natatayong ‘Pamahalaan ng Haringbayang Katagalugan[’], na binigyan ng lalong masaganang kinang na kumislap sa kanyang bagong Konstitusyon… noong unang araw ng Nobyembre nang 1897…”

Ano ang haring bayang naitatag sa Biak-na-bato? Si Aguinaldo ang namamahala sa panoong iyon, kung ipagpapalagay natin na Hari si Bonifacio sa mga panahong sya ay nasa panunungkulan, kung babatay tayo sa lohika gayo'y hindi ba't si Aguinaldo ay Hari rin? babalik tayo sa tanong -- Ano ang haring bayang naitatag sa Biak-na-bato? Ang Hari ba? Hindi.. -- Ang Republika!

Ang tanong, kung sa makatwid nga'y si Bonifacio ay Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan ibig sabihin ay presidente lamang sya ng mga Tagalog at hindi ng bansa? 


Sa Kartilya ng Katipunan na isinulat ni Heneral Emilio Jacinto sa footnote ay nangasusulat kung ano ang tunay na pakahulugan sa salitang Tagalog:

“(*)Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; samakatuwid, bisayà man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.”

Kung kaya't malinaw, na ang tagalog ay hindi lamang tumutukoy sa iisang pangkat ng tao bagkus ito ay tumutukoy sa mga taong tumubo sa sangkapuluang ito maging bisaya, iloko o kapampangan man ay tagalog rin. Tagalog para sa kanila ay taga-ilog, pagtukoy na tayong mga Pilipino ay may kultura sa paglalayag at ang halaga ng mga ilog at dagat noon sa ating lumang kabihasnan. Ganoon rin naman sa kontekstong isinulat ni Artemio Ricarte na "Katapusang pamamahayag sa pagpasok sa K." noong 1899 at dito nagtatala ng isang footnote na kahalintulad sa Kartilya na "Ang Tagalog ay yoong mga tao na isinilang sa buong arkipelago ng Filipinas."

Samakatuwid kung ang Tagalog ay tumutukoy sa taong isinilang sa Arkipelago, ang Katagalugan nama'y tumutukoy sa Filipinas, kung kaya't sabe ni Propesor Xiao Chua, malinaw na kung si Bonifacio ay Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan, masasabing sya ang Presidente ng Rebolusyonaryong Gobyerno, ang unang pambansang gobyerno ng Pilipinas!

At diyan ho nag tatapos ang ating talakayan sa paksaing ito nawa'y lumiwanag ang araw ng katwiran sa ating lahat, ipinagdadasal ko na sana'y malinaw, maayos at lubos po na naiintindihan ang pagpapaliwanag ho sa inyo, Mabuhay ang Katagalugan at Mabuhay ang Pangulong Andres Bonifacio, Maraming salamat po!

Comments

Popular posts from this blog

RevGov : Pangulong Andres Bonifacio - Maypagasa

Komunismo